Ilang daang taon na ang mga Pilipino ay lumaban para sa kanilang kalayaan laban sa mga Espanol at sa pag lipas ng mahabang panahon ito ay kanilang namithi. Ngunit sa ating makikita ay ang kasiyahan at prebiliheyo na maging isang malaya na bansa ay napaka-ikli ang panahon sapagkat ang mga Espanol ay mapapalitan ng isa pang dayuhang makapangyarihan, at ito ang mga Amerikano.
Para sa akin, ito ay nararapat na talakayan sapagkat higit sa kaalaman ng karamihan ng mga Pilipino, tayo ay nasasailalim pa rin ng kanilang kapangyarihan, hindi bilang isang mahinang bansa vs. isang malakas na bansa, ngunit bilang isang kolonya nila, na kahit hindi tuwiran ang pagsasakop ngayon ay kung buksan natin ang ating mga mata ay ay makikita ang mga kadayaan. Ito ay isang suliranin na pinaguugatan ng marami pang problema kaya natin kailangan agarin ang paglutas nito at magagawa lamang natin ito kapag tayo ay magkaisa at tumayo bilang isang bansa at sabihin sa kanila na tama na ang kanilang pag-aapi.
Ang bawat isa sa atin ay kinakailangan ng partisipasyon sa napakahalagang layunin na ito sapagkat sa pagunawa at sa pagtanggap natin na talaga namang meron tayong mga malalaking problema na umuugat sa misedukasyon, ay dito pa lamang makakapagsimula ang ating bansang Pilipinas na umunlad. Kinakailangan na magkamalay ang publiko sa tunay na katotohanan sapagkat ito ang magsisimula ng tunay na pagmamahal ng mga Pilipino ngayon sa kanilang bansa. Ito ang “transformative learning”.
Tayo ay nakakamit ng kalayaan ng ideklara ni Emilio Aguinaldo noong June 12, 1898 sa Kawit, Cavite na tayo ay malaya na sa hawak ng Espana. Ang mga Espanol ay natatalo na sa gera laban sa mga Pilipino. Ngunit hindi ito ang natupad sapagkat ang mga Pilipino ay naniwala sa Disyembre 1898, na tayo ay “tinulungan” ng mga Amerikano para makamit ang ating kalayaan at ngayon, tayo pa ang may utang na loob na sa kanila. Binigyan tayo ng mga Amerikano ng samo’t samot na bagay na bagay na, samakatuwid, naging daan para ay paniwalaan na ni Aguinaldo and “malinis” na intensyon ng mga Amerikano na tumulong sa kanila. Ngunit, sinong makapangyarihan nasyon ang magbibigay ng tulong sa isang napaka sanggol na bansa kung alam naman ng nauuna na wala ito makukuha sa huli? Dito natin makikita ang pagka musmos ng ating gobyerno na nag desisyon ukol dito. Ang panloloko ng mga Amerikano sa atin ay hindi nagtatapos dito. Kung tutuosin sila ay nagsisimula pa lamang. Higit sa kaalaman ng mga Pilipino ay “binili” tayo ng mga Amerikano sa mga Espanol. Ngunit paano mangyayari ang kalokohan na ito ng ito ay nangyari pagkatapos ng deklarasyon ni Aguinaldo na ang Pilipinas ay isang malaya na bansa.
Ang mga Amerikano rin ay may sariling pakana sa kanilang bansa. Sa kaalaman ng mga Pilipino ay tinutulungan sila ng mga Amerikano ngunit ayon kay Admiral Dewey ng siya ay kinailangan na mag balita ukol sa kung anong nangyayari sa Pilipinas ay itinanggi niya na tayo ay kanyang tinutulungan at kanya pang isinasaad na tayo ay kanyang “kinaibigan” lamang. Pagdating ng Mayo 19, 1898, si Admiral Dewey ay nagbigay ng kautusan na magpadala ng hukbo para sa pag simulang pagsakop sa Pilipinas. Unti-unting nailalahad ang katotohanan at nabubuksan ang mga mata nila Emilio Aguinaldo sa tunay na intensyon ng mga Amerikano. Dahil dito ay nagsimula na ulit sila mag handa para sa isa pang labanan na magiiba ng Pilipinas sa kabuoan.
Nagkaroon na ng Philippine-American War at ang sisi ay napunta sa mga Pilipino ng sila daw ay nang-una sa pagputok ng baril. Ngunit hindi ito ang katotohanan sapagkat ang tunay na nagsimula ng labanan ay ang unang putok na nang galing sa isang Amerikano. Malalaman natin na isang nag ngangalang Willie Grayson ang nagbitiw ng unang pagputok ng baril at dito nagsimula ang alitan ng Amerika at Pilipinas. Mailalantad ang tunay na layunin ng mga sundalong Amerikano na ang inutos sa kanila ay kinakailangan nilang ibunsod ang mga Pilipino para sa isang labanan para ang lalabas ay nang una ang mga Pilipino sa pag lalaban at ang mga Amerikano ay simpleng tinatanggol ang kanilang sarili.
Nagkaron na ng digmaan ngunit ang pagiging tuso ng mga Amerikano ay hindi dito nagtatapos. Kapag saktan mo ang pisikal na anyo ng isang tao, siya ay masasaktan, ngunit ito ay hindi tatagos sa kanyang kalooban kaya naghanap ang mga Amerikano ng paraan para tunay na makuha ang Pilipinas at ang kultura at ang edukasyon ang kanilang ginamit. Para mapatahimik ang digmaan, nagbigay ang Amerikano na kundisyon. Na tayong mga Pilipino ay magbaba na ng ating mga armas at tayo ay kanilang bibigyan ng edukasyon at dito na nagsimula ang pagpapatuloy ng misedukasyon ng Pilipino.
Tayo bilang Pilipino ay kinakailangan ng tumayo sa sarili nating mga paa at sabihin na tama na ang lahat ng ating nararanasang kalupitan at panloloko laban sa dayuhang bansa, lalo na sa Amerika. Kinakailangan nating tunawin ang bato na napalibot sa ating mga puso at makinig sa ilan na nagsusubok na tayo ay magkaroon ulit ng apoy ng nasyonalismo sa ating puso’t isipan. Sa pagkakaisa ng lahat tayong mga indibidwal ay kaya nating mapaunlad ang ating bansa kaya ito ang layunin ng papel at presentasyon na ipapakita. Ang mailantad ang lahat ng panloloko, panlilinlang, at pagpapasakit sa ating mga Pilipino. Ako ay naniniwala sa layuning ito kaya hindi ako susuko at aalis ng aking bansa sapagkat lagi mayroong pag-asa kahit sa pinaka madilim na sitwasyon.

No comments:
Post a Comment